Nasa kustodiya na ng Santiago City Police Office ang suspek sa pagpatay sa isang 12-anyos na bata sa Buenavista, Santiago City.
Base sa isinagawang press conference ng Santiago City Police Office kahapon sa pangunguna ni PCol Lucio Simangan Jr, City Director ng SCPO, sinabi nito na malaki ang kaugnayan ng suspek base sa testimonya ng mga nakasaksi at sa kuha ng CCTV footage gayundin sa mga bagay na natagpuan sa pinangyarihan ng krimen.
Matatandaan na ang biktima ay inutusan ng kanyang tiyahin na bumili ng sabon alas-diyes ng umaga noong sabado.
Hindi ito agad nakabalik kaya inutusan ng kaniyang tiyahin ang anak nito na hanapin ang biktima subalit hindi agad tumugon ang kaniyang anak kaya siya na lamang ang naghanap dito.
Nakita ang biktima malapit sa ilog na nasasakupan ng barangay Buenavista, ala-una ng hapon noong Sabado na wala nang buhay .
Agad na nagsagawa ng paghahanap ang mga kapulisan sa suspek at naaresto ito kahapon.
Lumalabas na may sama ng loob ang suspek sa biktima dahil lagi itong kinukutya dahil sa kaniyang kapansanan.
Hinihintay pa ng SCPO ang resulta ng pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives o SOCO habang isasampa ngayong araw ang kasong rape with homicide laban sa suspek. |