Nagpahayag ng pakikiisa at pagkabahala ang Apostoliko Bikaryato ng Puerto Princesa para sa mga mamamayan ng isla ng Mariahangin sa bayan ng Balabac.
Ayon sa pahayag ng Simbahan sa pamamagitan ni Socrates C. Mesiona, matagal nang naninirahan sa lugar ang mga Cagayanen at Molbog, at karamihan ay isinilang na rin sa maganda at mapayapang isla.
Doon din sila nakahanap ng kanilang pangkabuhayan.
Nakalulungkot na kamakailan lamang, ilang armadong grupo ang nag-harass sa mga mamamayan ng Mariahangin, na nag-udyok sa kanila na lisanin ang kanilang tahanan.
Nanawagan ang simbahan sa mga awtoridad na mamagitan sa sitwasyon upang maiwasan ang karahasan at mapapangalagaan ang karapatan ng mga simpleng mamamayan.
Bilang simbahan, patuloy na inihahayag ng Apostoliko Bikaryato ng Puerto Princesa ang pagpanig sa katotohanan at pagkiling sa kapakanan ng mga mahihirap.
Hinihiling nila sa mga mananampalataya na isama sa kanilang panalangin ang kalagayan ng mga mamamayan ng Mariahangin sa Balabac.