BICOL—Ipinaliwanag ng Albay Power and Energy Corporation (APEC) na bahagi ng pag upgrade ng kanilang serbisyo ang serye ng mga power interruptions na naranasan sa lalawigan nitong nagdaang buwan ng Setyembre.
Ito ay bilang paghahanda sa napipintong pagsisimula ng operasyon ng Bicol International Airport (BIA) ngayong Oktubre 7. Inaasahang magseserbisyo ang paliparan sa nasa dalawang milyong pasahero kada taon.
Sa ngayon ay inihayag ng APEC na kabilang sa mga nagpapatuloy na patrabaho ay ang pag upgrade sa feeder 4 ng Washington substation sa double circuit transmission lines na magdaragdag sa capacity at power rating nito upang matugunan ang demand sa kuryente ng bagong paliparan.
Bago ito ay kinailangan umano ng kumpanya na mag schedule ng weekly power interruptions hanggang noong Setyembre 10 dahil sa paghahanda sa 20 MVA transformer substation sa bayan ng Daraga para sa pag-energize sa airport.
Kaugnay nito ay pinasalamatan ni APEC Chief Operations Officer Apolinario Alvarez ang mga konsyumer sa pag-unawa sa gitna ng mga naranasang power interruptions.
Pero sa ngayon anya ay aanihin na ng mga Albayano ang kanilang sakripisyo dahil maaasahan na ang mas maayos at de kalidad na power service.
Kabuuang 16 na mga poste ang itinayo at pinalitan sa ilalim ng proyekto kung saan mayroon ding mga distribution lines na isinaayos at pinalitan partikular ang mga luma na.
Ayon kay Alvarez, ang APEC modernization ay sinimulan kasunod ng pagbili ng kumpanya ng mga bagong kagamitan para sa layuning mas maisaayos ang distribution system at maintenance services para sa mas magandang serbisyo sa kuryente.### || slm