Naniniwala si Senador Win Gatchalian na hindi pagkuyog ang ginagawa ng iba’t ibang institusyon laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy kundi paggawa lang ng kanilang tungkulin ayon sa batas.
Ayon kay Gatchalian, layunin ng Kongreso na magsagawa ng pagdinig tungkol sa prangkisa ng Swara Sug Media Corporation na siyang business name ng Sonshine Media Network International (SMNI) matapos ang di umano’y pagpapakalat nito ng maling impormasyon, paglilipat ng ownership nang walang pahintulot ng Kongreso at iba pang paglabag.
Samantala, ipinunto rin niya na tungkulin nila sa Senado na magsagawa ng pagdinig kay Quiboloy laban sa hinihinalang pagkasangkot nito sa human trafficking issues at iba pang pang-aabuso.
Habang ginagawa lang din umano ng Department of Justice (DOJ) ang responsibilidad nito na respondehan ang mga kasong inihain.
Sa kabila nito, ayon kay Gatchalian ang pinakaimportante sa lahat ay nabigyan na si Quiboloy ng pagkakataon na humarap sa formal setting na siya namang pinaniniwalaan niyang hiling nito.
Maalala, matapos ang di pagsumite ng kampo ni Quiboloy ng Motion for Reconsideration ay nag-issue na rin ang Davao Court ng arrest order laban sa kanya.