Inihayag ni Senate President Vicente Sotto III na posibleng isulong ng mga senador ang ikalawang extension ng Republic Act 11494 o ang Bayanihan to Recover as One Act hanggang sa katapusan ng taon.
Ayon kay Sotto, ito ang naiisip nilang solusyon imbis na magpasa ng panibagong emergency spending bill kung saan ay kalahati lamang ng buong pondo para sa naturang batas na nanatiling undisbursed ang mailalaan para rito.
Ipinunto ni Sotto na 70% na ng Bayanihan 2 ang may pondo na ngunit kalahati lamang nito ang na-release.
Iginiit ni Sotto na nag-iingat lamang sila sa pagpasa ng Bayanihan 3 ngayon nakita nila na hindi man lang makumpleto ng mga ahensya ng gobyerno ang paglalabas ng financial assistance sa mga benepisyaryo, lalo na at wala pang malinaw na sources ng pondo.

Mababatid na ito ang naging obserbasyon ni Sotto matapos himukin ng House of Representatives ang Senado na ipasa ang panukalang Bayanihan to Arise as One Act o Bayanihan 3, na kailangan ay mapondohan kaagad ng halos kalahating trilyong piso.
Meron kaparehong panukala sa Senado, ngunit nanatili itong nakabinbin sa committee on finance na pinamumunuan ni Senator Sonny Angara.
Kinukwestyon kasi ng mga senador kung paano mapopondohan kaagad ang bagong panukala at paano magagarantiya ang mabilis na disbursement, lalo na at meron mga ahensya ng gobyerno ang bigong maglabas ng pera mula sa Bayanihan to Heal as One Act o Republic Act 11469 at Bayanihan 2 sa mga benepisyaryo.