Senado, ibinasura ang bicam report kaugnay sa BFP modernization bill dahil sa firearms provision

Ibinasura ng Senado ang bicameral conference committee report sa Bureau of Fire Protection (BFP) Modernization bill dahil sa probisyon na nagpapahintulot sa mga bombero na magdala ng armas sa panahon ng fire emergency.

Sa huling session day ng Senado para sa second regular session ng 18th Congress ay nilinaw ni Senate Minority Leader Franklin Drilon kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, na sponsor ng bicam report, na ang pinal na bersyon ng BFP modernization bill ay mag-ootorisa ng pagbili at paggamit ng baril sa mga operasyon.

Kinumpirma ni Dela Rosa na naisama ang naturang probisyon, ngunit ito naman ay na-modify.

Sa ilalim ng bicam report, ay sinabi ni Dela Rosa, na hindi aarmasan ang buong BFP, ngunit magkakaroon ang bawat regional at city fire station ng seven-member team na tatawagin bilang Security and Protection Unit.

Read More:  BOC disposes remaining vehicles linked to Discaya couple

Anya, ang nasabing unit lamang ang maootorisa na magdala ng armas.

Iginiit naman ni Drilon na tinanggihan na ng Senado ang nasabing probisyon sa kanilang bersyon, ngunit pwedeng naman ito ulit pag-usapan sa bicameral conference hearing.

Ipinaliwanag ni Dela Rosa na patuloy na isinusulong ng Senate conferees sa bicameral panel ang pag-uphold sa Senate version, ngunit umapela ang House contingents na marekonsidera ang probisyon na nag-aarmas sa BFP personnel.

Read More:  DENR preparing for possible impact of Super El Niño

Matapos ang mahabang usapan ay iminungkahi ni Drilon sa plenaryo na ibalik ang report sa bicameral panel, upang sabihin na hindi nagkaroon ng diskusyon kaugnay sa pinagtatalunang probisyon.

Tumanggi si Dela Rosa at sinabi na hindi patas na sabihin na pumayag na lang basta-basta ang Senate contingents sa probisyon na isinusulong ng House.

Nagsagawa naman ang Senado ng nominal vote sa bicam report kung saan ay natalo ang mosyon na maratipikahan ang bicam report matapos makakuha ni Dela Rosa ng 11 affirmative votes, 8 negative votes, at 3 abstention.

Mababatid na kailangan ng senador ng 12 boto para makuha ang absolute majority.