Roll-out ng vaccination mobile clinic ng PRC-Isabela, matagumpay na isinagawa

Matagumpay na isinagawa ang unang araw ng roll-out ng mobile vaccination clinic ng Philippine Red Cross Isabela Chapter katuwang ang Rural Health Unit na ginanap kahapon sa Community Center ng Tumauini, Isabela.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PRC Isabela Chapter Administrator Josie Stephany Cabrera, umabot sa 479 na indibidwal ang nabakunahan kabilang sa listahan ng Category group A1 hanggang A4 mula sa 13 na barangay sa Tumauini, Isabela.

Aniya, nasa 450 lamang ang identified vaccinees sa unang araw ng roll out ng bakuna bus ngunit dahil sa dami umano ng nagpatala ay umabot sa 479 ang matagumpay na nabakunahan ng unang dose ng Sinovac vaccine.

Ayon pa kay Cabrera, karamihan sa mga nagpabakuna ay kabilang sa group A4 o mga economic frontliners na kinabibilangan ng mga empleyado ng gobyerno, bangko, mga gwardiya at nagtitinda sa palengke.

Kaugnay dito, nasa 10 vaccinees ang pinapapasok sa loob ng bakuna bus kung saan dalawang vaccinator ang magbabakuna sa mga ito.

Target ng PRC-Isabela na mabakunahan ang 1,500 na indibidwal sa bayan ng Tumauini sa 4 na araw ng kanilang scheduled mobile vaccination roll-out.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *