Ipatutupad sa lungsod ng Sorsogon ang road sharing o ang mga oras na pwedeng pumasok ang mga jeepney sa sentro ng lungsod.
Ang nasabing hakbang ay kasunod ng reklamo ng ilang mga TODA o Tricycle Operators and Drivers’ Association dahil sa pagpick-up o pagpapasakay umano ng mga commuters ng mga jeepneys na pumapasok sa sentro ng lungsod na sa halip ay sa Sorsogon Integrated Terminal Exchange o SITEX.
Ayon kay Bacon District City Councilor at Chairman ng Committee on Transportation Danny Deladia, may mga nakarating na umano sa kanila na mga reklamo na minsan ay binabato na umano ang mga jeepneys na nagpapasakay sa mga commuters sa sentro ng lungsod.
Sa pamamagitan umano ng road sharing o paglalagay ng oras sa pag pasok ng mga jeepneys sa sentro ng lungsod ay maiiwasan ang mga nasabing reklamo at insidente.
Ayon pa kay Deladia, makapapasok lamang ang mga jeepneys sa City Central Business District (CBD) simula alas 6:00 ng umaga hanggang 8:30 ng umaga at simula alas 11:00 ng umaga hanggang ala 1:00 ng hapon, simula naman ng alas 4:00 ng hapon hanggang alas 7:00 ng gabi o mga rush hours.
Sa mga oras na umano ito ay pwedeng maghintay o sumakay ang mga commuters sa mga jeepneys sa CBD.
