Tiniyak ng ilang retired generals kay House Speaker Martin Romualdez na walang katotohanan ang kumakalat na impormasyon sa social media na suportado umano ng Philippine Military Academy o PMA Alumni at iba pang retired AFP personnel ang destabilisasyon laban sa administrasyong Marcos.
Personal na nakipagpulong ang dalawampu’t dalawang retiradong heneral mula sa apat na malalaking grupo kay Romualdez upang ihayag na nananatili ang kanilang suporta kay Pangulong Bongbong Marcos at sa liderato ng Senado at Kamara.
Kabilang sa mga dumalo ang PMA Alumni Association, Association of Generals and Flag Officers, PMA Retirees Association Inc. at National ROTC Alumni Association Inc.
Iginiit ni PMAAAI Chairman and CEO retired Admiral Danilo Abinoja na patuloy nilang ipagtatanggol ang Konstitusyon, ang duly-constituted authorities at kanilang sinumpaang tungkulin.
Pagsisiguro ni Abinoja kay Romualdez, hindi lamang PMA ang military school na sumusuporta sa administrasyon kundi maging ang mga paaralan ng servicemen para sa Navy, Air Force at Coast Guard.
Sa katunayan, maglalabas umano ng manifesto of support para sa pangulo at sa kanyang administrasyon ang Association of Service Academies of the Philippines.
Ipinakita naman ni PMARAI Chairman retired General Raul Gonzales ang isang resolusyon ng PMA Class ’75 na kumokondena sa tangkang sayangin ang naabot ng kasalukuyang administrasyon.
Sa harap umano ng misinformation at propaganda na nababasa sa social media na layong guluhin o pagwatak-watakin ang mga komunidad ay maninindigan sila sa pagtalima sa batas at sa pakikiisa sa constituted authorities.