Nasa ‘stable condition’ na ang pulis matapos na maoperahan ito sa ulo, kinumpirma ito sa panayam ng Brigada News sa hepe ng Castilla MPS na si PMaj Marmay Fartingca.
Kung babalikan, naisugod sa isang pribadong ospital si PSSgt Jesus Lisay matapos ito pagtatagain ng 21-anyos na binata na si Allan Pelecia, residente ng Brgy Caricaran, Bacon District, Sorsogon City.
Sa salaysay ni PMaj Fartingca, kusang lumapit umano sa kanilang himpilan ang suspek at humingi ng tulong na makauwi siya sa kanilang lugar.
Agad namang umaksyon ang personahe ng nasabing himpilan hanggang sa makontak nila ang pamilya ng suspek at nangakong susunduin nila ito.
Pasado alas 9:00 ng gabi, magkatabi umano ang suspek at si PSSgt Lisay at kaharap naman nila sa lamesa ang ka-buddy ni Lisay na babaeng pulis sa Duty Outpost na katabi lang ng gusali ng himpilan, nang magpaalam ang suspek na iihi muna.
Subalit, lingid sa kaalaman ng mga pulis ay nakakuha pala ito ng itak na panghawan sa damo na ginagamit ng LGU.
Pagbalik sa outpost ay biglang inundayan ng taga si Lisay sa ulo na ikinahilo at agad na bumagsak ito kung kaya’t hindi na ito nakapanlaban at nakabunot ng kanyang service firearm.



Una, ay padaplis na pinaputukan, ng pulis na rumesponde, sa tagiliran ang supek subalit hindi umano ito natinag sa paghataw ng taga sa biktima, sabay pa sa pagwasiwas din ng hawak nitong itak sa mga rumespondeng pulis, kung kaya’t napilitan ang pulis na tuluyan na itong barilin sa tagiliran dahil hindi niya ito puwedeng barilin sa likod dahil nakakubabaw na ito sa biktima at baka matamaan ng bala ang biktima sakaling magkaroon ng ‘exit wound.’
Nagtamo ng 17 taga ang biktima karamihan nito ay sa kamay at braso habang lima naman sa ulo at 12 sa ibat-ibang bahagi ng katawan nito.
Bago ang insidente ng pananaga, inamin ng suspek sa pulis na nagsagawa ng interview sa kanya na galing umano siya sa Legazpi City, sa binibilhan niya ng ‘shabu’ at doon na rin niya ginamit ang droga.
Sinabi pa nito na ‘’may humahabol daw sa kanya at gusto siyang patayin.’’
Sa inisyal na imbestigasyon ng Pulisya, naiulat na pala ang presensya ng suspek sa isang barangay dahil ito umano ay hindi kilala at kahinahinala ang kilos.
Ayon pa kay PMaj Fartingca, nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon sa insidente, kung saan kukuha sila ng blotter sa barangay kung saan unang napansin ang suspek na gumagala.
Kinunan din ng drug test ang mga labi ng suspek at hinihintay pa nila ang resulta mula sa crime laboratory.
Sa interview, pinangalanan umano ng suspek ang taong kinukuhanan niya ng droga na siya namang ipafollow-up ng himpilan kung nagpunta nga ang suspek, dahil ang binanggit nito na pangalan ay dating ‘tulak’ at naaresto na sa buy-bust operations noon sa Albay subalit, nakalalaya ngayon dahil sa ‘plea bargaining.’
Inamin naman ni PMaj Fartingca na nanlumo siya matapos ang pangyayari. Marami na umanong natulungan ang kanyang mga tauhan at ang kanilang himpilan na mga taong humihingi sa kanila ng ‘assistance’ o tulong, at kailanman ay hindi sila nagpabaya dahil kasama sa mandato nila ang maglingkod at magprotekta sa mga dumudulok sa kanilang himpilan.
Ang insidente noong Miyerkules ay ‘first time’ na nangyari sa kanilang himpilan at sana umano ay hindi na maulit pa, dagdag ni PMaj Fartingca.
