Ibinunyag ni Senador Christopher Bong Go na naglabas na si Pangulong Rodrigo Duterte ng kautusan sa mga kinauukulang ahensya upang tugunan ang pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Go kabilang dito ang National Economic and Development Authority, Department of Energy, Department of Trade and Industry, Department of Finance, at Department of National Defense.

Maliban dito sinabi ni Go na inatasan na rin ng Pangulo si Executive Secretary Salvador Medialdea na ihanda ang mga kinakailangang issuance kaugnay sa mga posibleng hakbang na makakatulong upang maibsan ang epekto ng oil price hike sa publiko.
Samantala nagpahayag naman ng suporta ang senador sa panukala para sa pansamantalang moratorium sa pangongolekta ng excise taxes sa mga produktong langis upang matulungan ang mga Pilipino na makayanan ang mga biglaang pagbabago sa ekonomiya.
Binigyang-diin ni Go na kailangan maprotektahan ang ‘vulnerable consumer’ gayunpaman, kinilala din nito ang posibleng epekto sa koleksyon ng kita ng gobyerno.