Itinaggi ng Police Regional Office-XI na kanilang pasasabugin ang Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Cathedral kung hindi isusuko si Apollo Quiboloy.
Sa text message ni PRO-XI Spokesperson Maj. Catherine Dela Rey sa Brigada NewsFM Manila, sinabi nitong walang katotohanan ang mga lumabas na impormasyon at sa katunayan ay nagpapatuloy ang search o paghahanap pa rin kay Quiboloy at apat pang kapwa akusado sa loob ng KOJC compound.
Pinayuhan din ang publiko na huwag agad-agad maniniwala sa fake news.
Nauna nang sinabi ng PNP na masyado pang maaga para magdiwang ang mga myembro ng KOJC.
Malinaw anila kasing nakasaad sa protection order na inisyu ng korte na dapat tanggalin lang ng PNP ang mga harang at barikada sa KOJC compound pero walang sinasabing pinapahinto ang pagsisilbi ng warrant of arrest kay Apollo Quiboloy at apat pang kapwa akusado nito.
Kung maaalala, sa isang press conference, ipinarinig ni Atty. Israelito Torreon ng KOJC ang isang soundbyte kung saan, maririnig ang isang boses ng isang abugada na nagmamakaawang ‘wag pasabugin ang Cathedral.