Kumpirmado mula sa isang grupo ng mga nagtitinda ng mga paputok sa Legazpi City, Albay, na tumaas ang presyo ng mga paputok ngayong taon sa Bicol.
Sa panayam kay Riza Bon, team leader ng nasabing grupo, naapektuhan ang pricing sa mga paputok dahil isa na lamang umano ang manufacturer na natira.
Aniya, Dragon lamang ang natatanging manufacturer ng mga paputok na may mga supply, at wala ang iba katulad ng Phoenix, LF, Diamond at Platinum.
Kulang umano ang mga kemikal na gagamitin sa produksyon kung kaya hindi na umabot pa ang ibang manufacturer na makapag-produce ng mga paputok sa tamang pagkakataon.
Dahil isa lamang ang may suplay, mataas din ang presyo nito nang makarating sa mga nagtitinda kung kaya’t napilitan din itong taasan ang presyo para sa mga end user o mamimili.
Dagdag pa niya, three for 100pesos lamang ang kwitis noon ngunit ngayon ay ipinagbibili na nilang 20pesos kada stick.
Samantala, ilan pa umano sa mga salik na nakaapekto sa pagtaas ng presyo ng mga paputok ay ang mga permit, halagang binabayaran para sa renta ng mga firebcracker vendors, mga lisensya, at marami pang iba.