Pinasalamatan ni Senador Joel Villanueva ang pagsuporta ng ilang business community, economic managers ng administrasyon at kapulisan sa itinutulak nilang adbokasiya na ipasara na ang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa.
Ito ay matapos ang kabila’t kanan na krimeng dala ng ilang iligal POGOs sa bansa tulad ng human trafficking, love scam at cryptocurrency scam.
Binigyang-diin din niyang matagal na nila itong panawagan sa Malacañang kung kaya’t isa umano ito sa pinakamagandang regalong maibibigay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paparating niyang State of the Nation Address (SONA).
Dagdag pa niya, nakahanda na rin ang ilang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Labor and Employment (DOLE) na tulungan ang halos 22,000 Pilipinong manggagawa na mawawalan ng trabaho.