PLGU at PHO – Catanduanes, muling hinikayat ang publiko na magpabakuna na kontra COVID-19

BNFM BICOL—Muling hinikayat ng Provincial Government at Provincial Health Office sa lalawigan ng Catanduanes ang publiko na magpabakuna na kontra COVID-19, makaraang isailalim sa Alert Level 4 ang quarantine classification ng probinsya simula ngayong araw November 17 hanggang November 30.

Sa inilabas na ‘joined statement’ ni Catanduanes Gov. Joseph Cua at Provincial Health Officer – Dr. Hazel A. Palmes, inihayag ng mga itong tumaas sa 64.2% ang COVID-19 surge sa lalawigan nitong buwan ng Oktubre at hanggang nitong unang dalawang linggo ng Nobyembre ay nakikitaan pa rin ng pagtaas ng mga COVID-19 cases ang probinsya.

Read More:  NYLI pushes mental health-centered climate resilience through project OASIS

Marahil ito ang naging batayan ng National IATF kung kaya’t isinailalim ang Catanduanes sa Alert Level 4, idagdag pa ang naitalang 45 kaso ng variants of concerns kung saan 21 sa  mga ito ang Delta variant na siyang ikinokonsiderang ‘highly contagious’ o pinakamabilis na makahawa.

Bukod dito, batay rin sa huling pagtatala ng PHO nasa 80% na ang bed utilization rate ng EBMC na siyang mayoryang pagamutan sa lalawigan na tumatanggap ng mga COVID-19 patients.

Bunsod nito, mas tinututukan ngayon ng health sector at maging ng lokal na pamahalaan sa isla ang pagpapabilis ng vaccination roll out upang agad na maabot ang herd immunity at mapigilan ang patuloy pang pagkalat ng coronavirus.

Read More:  Doctor robbed by riding-in-tandem suspects in Bacolod

Kasabay nito ang paghikayat sa publiko na makiisa sa nagpapatuloy na bakunahan sapagkat ito umano ang pinakamatibay na panlaban kontra sa sakit, bukod sa istriktong pagsunod sa mga umiiral na  health protocols.

Batay sa pinakahuling tala, umabot na sa mahigit 154,000 na mga indibidwal sa Catanduanes ang bakunado na kontra COVID-19 na 23% ng kabuuang target population.###