LEGAZPI CITY – Nakatanggap ng humigit-kumulang 2,000 sari-saring Open Pollinated Varieties (OPV) vegetable seeds partikular na ang pakbet seeds ang Pamahalaang Panlalawigan ng Albay mula sa University of the Philippines Los Baños (UPLB) sa pamamagitan ng Institute of Plant Breeding, College of Agriculture and Food Science.
Ang nasabing donasyon ay personal na iniabot kay Assistant Provincial Agriculturist na si Daryl John Buenconsejo.
Ang mga binhi ay ipapamahagi sa mga apektadong pamilya at mga lumikas na magsasaka upang makatulong sa kanilang kabuhayan.
Naglaan naman ang pamahalaan ng mahigit PHP4M para sa livestock at agriculture sector upang tumugon sa mga pamilya sa iba’t ibang evacuation centers.
Naglabas din ang Department of Agriculture (DA) ng mahigit PHP2.4M na agricultural assistance sa mga residenteng apektado ng bulkan.
Ang nasabing tanggapan ay nagbibigay din ng mahigit PHP1.25M halaga ng mga gamot, biologics, at feeds para sa mga inilikas na hayop, gayundin ang regular na pagsubaybay sa kalusugan at sakit ng mga ito upang mapangalagaan at mapigilan ang pagkalat ng mga potensyal na nakakapinsalang sakit.