Aabot sa P50,000 halaga ng pension ang nanakaw sa isang senior citizen sa Las Piñas City matapos makuha ng dalawang indibidwal ang kanyang wallet na naglalaman ng ATM card habang nasa loob ng isang mall.
Kwento ng biktima, binangga siya ng isang lalaki upang makuha ang kanyang atensyon habang kinuha ng isa pang tao ang kanyang wallet mula sa loob ng kanyang bag.
Matapos makatanggap ng text message mula sa bangko, nalaman niyang may ilegal na transaksyon sa kanyang ATM card na naglalaman ng kanyang ipon mula sa kanyang pensiyon.
Sinubukan pa ng biktima na pigilan ito, gayunpaman, nabigo siyang magpakita ng anumang pagkakakilanlan sa bangko dahil ang kanyang mga ID ay nasa loob din ng kanyang ninakaw na wallet.
Nahulaan ng mga suspek ang kanyang PIN at nag-withdraw ng P50,000 gamit ang kanyang ATM card.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga pulis sa insidente.