Inihayag ni PCOl. Julio Go, ang Acting Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office ang patuloy na paghikayat ng kanilang pwersa ang nag-udyok para magbalik-loob ang panibagong tatlong regular member ng NPA.
Magugunitang sumuko sa pamahalaan ang tatlong rebelde dala ang kanilang mga malalakas na kalibre ng baril sa Sitio Lagis, Sindun Bayabo, City of Ilagan noong March 29.
Ayon pa kay Pcol. Go, ito rin ay dahil sa mga programa ng gobyerno lalo na ang tungkol sa pangkabuhayan sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP).
Maliban dito ay napagtanto rin umano ng mga dating rebelde ang ginawang panlilinlang sa kanila ng komunistang grupo.
Sa isinagawang pulong balitaan kahapon, March 30, 2022 sa IPPO Headquarter, humarap sa media ang nasa 19 na mga dating rebelde kung saan kanila ring ipinahayag ang dahilan ng kanilang pagtiwalag sa makakaliwang pangkat.
Batay sa salaysay ng isang former rebel, sinabi niya na nahikayat sila dahil sa mga pangako ng NPA na mabibigyan sila ng magandang buhay kapag sumama sa pakikidigma kontra sa pamahalaan subalit kabaliktaran ang kanilang naranasan sa loob ng kilusan.
Nagpasalamat din sila sa IPPO sa pagkalinga sa kanila ng kapulisan sa kabila ng kanilang mga hindi magandang nagawa laban sa gobyerno.
Sinabi naman ni PMAJ. Ranilo Bumagat, Deputy Force Commander ng 1st Isabela Provincial Mobile Force Company na nasa 12 former rebels ang kasalukuyang nasa kanilang pangangalaga habang ang iba ay umuuwi na sa kanilang mga tahanan.
Tiniyak naman ng kapulisan ang seguridad ng mga sumukong rebelde. Samantala, dadalhin naman sa Police Regional Office 2 ang mga isinukong mga baril para sa tamang disposisyon.