Ikinatatakot ni Pangulong Rodrigo Duterte sa posibilidad na magdulot ng surge sa mga kaso ng COVID-19 ang Omicron variant na dahilan naman upang madagdagan ang gastos ng gobyerno.
Sa Talk to the People ng Pangulo ay inulit niya ang sinabi niya noon na maliit na lang ang pondo ng gobyerno dahil sa COVID-19 response nito.
Ipinunto rin niya na bukod sa COVID-19 ay patuloy na lumalaki ang gastos ng gobyerno para sa mga biktima ng Bagyong Odette.
Samantala, tiniyak naman ni Health Secretary Francisco Duque na kakayanin ng bansa na malusutan ang surge na posibleng idulot ng Omicron variant kung patuloy na tatalima sa COVID-19 safety protocols ang publiko.
Ipinunto ni Duque na tumaas ang mga kaso ng COVID-19 sa Europe dahil sa desisyon ng ilang bansa na alisin ang kanilang polisiya sa face mask.
