Itinanggi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na sinisisi nito ang mga residente ng Iloilo City kaugnay sa COVID-19 surge na naranasan sa nasabing lugar.
Ipinunto ni Roque na binigyang diin niya lamang ang importansya ng pagsunod sa minimum public health standards sa gitna ng COVID-19.
Dagdag ni Roque, hindi pa rin nakakamit ng bansa ang containment at population protection kahit meron nang available na bakuna sa bansa.

Dahil diyan ay sinabi ni Roque na magsisilbi pa rin bilang first line of defense ng mga tao ang pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay at pag-social distancing.
Samantala, ipinagkipit-balikat naman ni Roque ang komento ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas na mas mabilis gumana ang bibig niya kaysa sa utak.
Inihayag ni Roque na lambing lang naman ito ng alkalde sa kanya dahil alam nito na isa rin siyang Ilonggo.
Noong nakaraang linggo ay sinabi ni Roque na ang surge ng COVID-19 cases sa mga probinsya ay hindi dahil sa kakulangan sa bakuna, ngunit dahil sa hindi pagco-comply ng mga tao sa health protocols at sa pag-iral ng mga bagong variants ng COVID-19 na mas nakakahawa.