LEGAZPI CITY – Ninanais ngayon ng Albay Provincial Tourism Culture and Arts Office (PTCAO) hindi lang dapat nakatutok ang mga aktibidad sa Albay District ngayong nalalapit na ang buwan ng Disyembre, kundi kailangan na buong lalawigan ng Albay ay mayroong kanya-kanyang aktbidad at makikinabang ang lahat ng mga local na pamahalaan.
Ayon kay Dorothy Colle, head ng nasabing opisina, may mga nakaline-up na silang aktibidad at mayroong pinaghahandaan para sa buwan ng Disyembre.
Marami na umano ang nag-aabang na Albayano sa mga mangyayari ngayong ber months, kung saan halos dalawang taon ding hindi nakaranas ng iba’t ibang aktibidad ang mga Albayano dahil sa pandemya.
Maliban pa rito, kailangan maipatupad ng Pamahalaang Panlalawigan ang culture and arts project sa Albay dahil isa ito sa requirements ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na bilang bahagi ng Seal of Good Local Governance (SGLG) na dapat binibigyan ng kahalagahan ang kultura. Sinabi ni Colle, nakatutuok din ang gobernador na hikayating gawin o magkaroon ng mga iba’t ibang convention sa lalawigan upang magkaroon ng malaking income at mapaunlad ang ekonomiya ng Albay.