SORSOGON CITY – ‘Women Empowerment,’ ito ang hangad ng katatapos lamang na dalawang araw na pagsasanay sa mga kababaihan sa bayan ng Bulusan sa lalawigan ng Sorsogon.
Dinaluhan ito ng higit 20 partisipante na pawang miyembro ng Kalipunan ng Liping Pilipino o KALIPI women’s group ng Brgy. Porog ng nasabing bayan.
Ginanap ang training sa multi-purpose hall ng Bulusan National Vocational and Technical School, kung saan itinuro ang food processing na maaaring magamit pang-negosyo ng mga maybahay.
Layon din ng aktibidad na hasain ang potensyal ng mga kababaihan at mabigyan ng mas maraming oportunidad para maisakatuparan ang kanilang mithiin lalo na at nasa gitna pa rin ang bansa ng pandemya.

Nabuo ang livelihood training sa pagtutulungan din ng iba’t-ibang sangay ng lokal na pamahalaan at pakikiisa rin ng tauhan ng Bulusan Municipal Police Station.
Ang KALIPI ay isang People’s Organization (PO) ng mga kababaihan. Ito ay isang inisyatiba ng DSWD na may layuning palakasin at i-institutionalize ang mga programa para sa mga kababaihan, nasyunal man o lokal.