NAGA CITY- Patuloy na hinihikayat ng Philippine Statistics Authority (PSA) Camarines Sur ang mga indibidwal na may late birth registration at mga wala pang birth certificate na magparehistro na sa kanilang sistema.
Upang maisakatuparan ito, inilunsad ng PSA Camarines Sur katuwang ang Local Civil Registrar Office ang Philsys Birth Registration Assistance Project (PBRAP) para matugunan ang pangangailangan ng mga indibidwal na walang kakayahang maiparehistro ang kanilang sarili o ang mga kaanak.
Isinalaysay sa Brigada News FM Naga ni PSA Camarines Sur Supervising Statistical Specialist Raul Aspe, na mahalagang maiparehistro ng bawat Pilipino ang kanilang sarili o mga kaanak dahil isa ang birth certificate sa una at pinakamahalagang dokumento na kailangan ng isang indibidwal para sa kanilang pagkakakilanlan. Ayon sa kanilang datos, sa ngayon mayroong 33,401 na kaso ng late birth registration at 4,047 pa lamang sa mga ito ang rehistrado na sa kanilang sistema.
May mga ginagawa namang Mobile Registration ang nasabing ahensiya upang mailapit sa mga malalayong bayan ng Camarines Sur ang kanilang serbisyo.