Isinusulong Sen. Win Gatchalian ang panukalang lumikha ng pambansang pederasyon para sa Sangguniang Kabataan.
Layunin ng Senate Bill No. 1058 na amyendahan ang Section 21 ng Sangguniang Kabataan (SK) Reform Act of 2015 (Rep. Act No 10742).
Sa ilalim ng panukalang batas, itatatag ang National Federation ng SK na bubuuin ng mga pangulo ng Panlalawigang Pederasyon ng mga SK.
Nakasaad din sa panukala na magiging ex officio member ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) ang mahahalal na pangulo ng National na Federation ng mga Sangguniang Kabataan.
Kinilala ni Gatchalian kung paano binigyan ng SK ang mga kabataan ng pagkakataong makilahok sa pamumuno ng bansa, kabilang ang paghain ng mga panukalang batas, at pagpapatupad ng mga proyekto at programa.