Nagbigay-paliwanag ang Department of Trade and Industry (DTI) Bicol hinggil sa pagkakaroon ng price adjustments sa mga produktong pang-noche Buena ngayong taon.
Kung babalikan, noong Nobyembre 23 ay inilabas ng ahensya ang kanilang price guide para sa nabanggit na produkto.
Sa panayam ng Bigada News FM Legazpi kay Ruben Sombon ng DTI Bicol, ngayong taon ay nagkaroon ng price adjustment, dahil noong nakaraang taon pinakiusapan nila ang mga manufacturers na hindi muna taasan ang mga presyo dahil sa naranasang pandemya.
Paliwanag ni Sombon, nagkaroon global economic problem kung kaya kinakailangang i-adjust ang mga presyo ng produkto ngunit siniguro naman ng ahensya na makakaya pa rin ito ng mga mamimili.
Dagdag pa niya, nasa 10% ang itinaas na presyo ng mga produkto, halimbawa na lamang nito umano ay ang ham kung saan ang presyo nito noong 2021 ay nasa P156, ngunit ngayon ay P163. Samantala ang may pinakamataas umanong adjustment ng presyo ay ang mga pasta dahil mataas din ang presyo ng harina na siyang pangunahing ingredient nito.