CAMARINES NORTE- Nagpaliwanag ang Primewater hinggil sa pagkaantala ng bill sa tubig na hanggang ngayon ay hinihintay pa rin ng mga kunsomidores.
Sa maikling mensahe sa Brigada News FM Daet, ipinaliwanag ni Branch Manager Engr. Mark Anthony Muroda na ang dahilan kung bakit na- delay ay dahil umano sa adjustment ng billing na bunsod naman ng Temporary Restraining Order na ipinalabas ng korte laban sa kumpanya na nagpapahinto sa pagsingil ng karagdagang 20 % water rate increase na sinimulang ipatupad noong June 2022.
Ngayong linggo umano ay madi- distribute na ang mga bill at adjusted na rin daw ang due dates.
Nang matanong tungkol sa pagkolekta ng 20 % water rate increase at refund, muling nanindigan si Muroda na hindi pa siya makapagkomento sa isyu dahil mayroon umanong memo sa kaniya ang kanilang legal department.
Hindi pa raw siya makapagsalita dahil on- going pa ang kaso.
Matatandaan na pinaboran ng korte ang hiling na TRO ng Bantayog ng Camarines Norte Consumidores, Inc., Provincial Government at Sangguniang Panlalawigan na nagpapahinto sa paniningil ng karagdagang 20% water rate increase.
Nakapuntos pa ang mga petitioner makaraang pagbigyan ng korte ang hiritt ng mga itong preliminary injunction para mahinto ang karagdang singil.
Mababatid na nitong buwan lang ay ipinalabas ni Regional Trial Court Branch 38 Presiding Judge Cornelio Roll ang Writ of Preliminary Injunction na nag-uutos sa Primewater at Camarines Norte Water District (CNWD) at sa kanilang mga ahente na itigil ang implementasyon ng 20% na pagtaas sa taripa ng a tubig sa loob ng panahon na dinidinig pa ang petisyon para sa permanent injunction.
