BNFM BICOL— “Zero active case” o kasalukuyan nang walang aktibong kaso ng COVID-19 ang islang lalawigan ng Catanduanes batay sa pinaka latest update ng Provincial Health Office.
Sa tala ng nasabing tanggapan, nananatili na lamang sa 3,192 ang bilang ng mga naitalang kaso ng sakit sa lalawigan kung saan 3,060 sa mga ito ang recoveries habang 132 naman ang mga nasawi.
Sakabila nito, inihayag ni Provincial DOH Officer – Dr. Robert John Aquino na hindi ito dahilan upang maituring o ideklarang “COVID Free” na ang Catanduanes dahil nasa paligid pa rin aniya ang virus at maaaring mahawaan ang sinuman lalo na kung hindi na nasusunod ang mga umiiral na health protocols.
Sa anim na mga lalawigan sa Bicol, tanging ang Catanduanes at Albay lamang ang hindi napabilang sa mga probinsyang isinailalim sa Alert Level 2 COVID-19 status ng Inter Agency Task Force mula May 1 hanggang May 15.###