Pagiging bukas ni ex-PRRD na dumalo sa Quad Comm hearing, welcome sa co-chairman

Ikinalugod ni House Committee on Human Rights Chairman Bienvenido Abante Jr. ang pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na handa itong humarap sa pagdinig ng Quad Committee sakaling imbitahan.

Ayon kay Abante, malaking bagay para sa kanila ang statement ng dating pangulo sa isang panayam hinggil sa intensyon na dumalo sa imbestigasyon sa umano’y extrajudicial killings, war on drugs at ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.

Read More:  Sen. Bato’s camp calls for respect for ex-PNP chief’s human rights

Mahalaga aniya ito lalo’t naimbitahan na nila sa kanyang komite noon si Duterte ngunit bigo siyang dumalo.

Pero inamin ng co-chairman ng Quad Comm na posibleng hindi pa kasama ang dating pangulo sa mga ipatatawag sa pagdinig ngayong Biyernes.

Paliwanag ni Abante, mayroon pa kasing ibang witnesses at resource persons na isasalang dahil sayang kung hindi mapagtutuunan ng pansin ang lahat ng inimbitahan.

Read More:  Drilon: Senate has no legal basis for protective custody

Muli namang tiniyak ng kongresista na bibigyan ng kortesiya at paggalang ang dating pangulo sakaling matuloy ang pagdalo nito sa mega-panel.

Mababatid na sa panayam kay Duterte ay sinabi nitong handa siyang humarap sa Quad Comm basta’t ang itatanong sa kanya ay “educated questions”.