CAMARINES NORTE- Inihayag ng Commission on Elections na maaari pang mabago ang patakaran nito na obligahing magsuot ng face shield maliban sa face mask ang mga botante sa presinto sa araw ng eleksyon.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Basud, Camarines Norte Election Officer Virgilio Veras sinabi nito na bagamat mayroon nang naunang anunsiyo ukol dito ang Comelec ay maaari pa aniya itong mabago.
Tugon ito ni Veras nang hingan ng paglilinaw kung aling kautusan ba ang dapat mangibabaw, kung ang Comelec ba o ang Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases o IATF patungkol sa pagsusuot ng face shield.
Mababatid na batay sa panuntunan ng IATF, ang pagsusuot ng face shield ay nakadepende sa Alert Level sa isang lugar.
Hindi mandatory ang pagsusuot ng face shield kapag ang lugar ay nasa Alert Level 3 pababa.
Ani Veras, maaari pa ring magbago ang panuntunan ng Comelec depende sa mga gagawing pag uusap at konsultasyon sa mga susunod na araw.
“Kasi nagbabago ang mga category ng ano eh ng bawat lugar so maaaring iba ang sitwasyon ngayon at iba ang darating sa araw ng eleksyon,” ani Veras.
“Mapapag usapan naman natin yan at maipaabot namin yan sa mga botante natin, sa mga mamamayan.”
Noong Enero ay sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez na hindi papayagang bomoto ang hindi naka face mask at face shield.
Inaasahan na raw ng komisyon na marami ang magrereklamo sa face shield pero nanindigan ito noon na dapat itong masunod hanggat hindi ito tinatanggal ng mga commissioner sa rules.
