Kinumpirma ni Senador Christopher Bong Go na pinoproseso ng Office of the President ang financial aid na nakatakdang ibigay kay dating Olympic Silver medalist Mansueto ‘Onyok’ Velasco.
Ayon kay Go ito ay upang punuan ang mga hindi natupad na mga pangako sa dating Olympian dalawang dekada na ang nakakaraan.
Sinabi ng Senador nasa P500,000 ang nakatakdang ibigay ng opisina ng pangulo para sa boksingero.
Binigyan-diin ni Go na sa panahon ni Pangulong Duterte, binibigyan ng importansya, suporta at insentibo ang mga atleta lalo na yung mga nagtagumpay sa Olympics ngayon.
Dapat din umanong mabigyan karampatang pagkilala ang mga atleta katulad ni Onyok na nangangailangan ng tulong ngayon.
Sinabi ni Go na nagbigay din ng karangalan si Velasco sa bansa at ang mga pangako sa kanya ay napaglipasan na ng panahon.
Si Senador Go na umano ang nakiusap sa gobyerno na mabigyan si Onyok ng konting tulong bilang pagkilala rin sa kanyang accomplishment noon.
“Kapag may binitawang salita, dapat tuparin! Iyan po ang ugali namin ni Pangulong Duterte. Bagama’t nangyari naman ito more than twenty years ago at wala naman kaming kinalaman sa mga napangako sa kanya noon, nais ko lang hanapan ng paraan na maresolba ito sa panahon ni Pangulong Duterte,” pahayag pa ni Go.
