Umabot na sa mahigit P121 milyon ang halaga ng tulong na naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development sa mga apektado ng kalamidad sa Mindanao.
Ayon sa progress report ng DSWD, nasa sa halos 1.5 milyong indibidwal o mahigit 400,000 pamilyang apektado mula sa Davao Region, Soccskargen, Caraga, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang nakatanggap ng tulong.
Kabilang sa mga tulong na naibigay sa mga apektadong residente ng kalamidad ay family food packs, gamot, hygiene kits, tubig, at iba pa.
Tiniyak naman ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na bibigyan kinakailangang tulong ang lahat ng apektadong residente sa Mindanao, kabilang ang tulong pinansyal at psycho-social intervention.
Kung matatandaan, ang walang humpay na pag-ulan na dala ng extension ng Low Pressure Area ay nagdulot rin ng pagguho ng lupa sa isang mining village sa bayan ng Maco sa Davao de Oro, na ikinamatay ng hindi bababa sa 60 katao.
Dahil dito, magsasagawa rin ng grief counseling ang mga social worker ng departamento sa Davao Region upang matulungan ang mga naulilang pamilya ng mga biktima ng landslide.