LEGAZPI CITY – Ikinalulungkot ni Legazpi City Councilor Alexander Jao na hanggang ngayon, wala pa ring isinasagawang committee hearing para sa kanyang isinulong na ordinansang may kinalaman sa spaghetti wires sa lunsod.
Hanggang ngayon ay naghihintay pa rin umano siya ng pandinig, kahit pa sa katunaya’y noong Enero 25 pa niya naisumite ang draft ordinance at marami na ang mga napapabilang sa mga aksidente dulot ng mga nakatiwangwang o nakakalat na mga wire sa kalsada.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Jao, sinabi nito na naniniwalang siyang 60-70% ng mga wires na makikita sa mga kalsada sa lunsod ay hindi naman na ginagamit kaya’t mainam nang matanggal upang hindi na makaapekto pa sa iba.
Aniya, ito na ang oras upang malinis at maipasa ang ordinansa kung saan kinakailangan muna na ang approval mula sa City Engineering Office bago makapag-install ng mga wires upang ma-monitor ito nang maayos.
Sa kadahilanang hindi ramdam ni Jao na pinaprayoridad ang nasabing isyu, muli niya umanong ifa-follow-up ang Committee Chairman on Public Utility ng lunsod.
Ayon sa kanya, hihingi siya ng sampung linemen bawat telco upang buwan-buwan ay mayroong kahit isang barangay na malilinisan.
Kung maipapasa, aniya, ang ordinansang ito, asahan na kahit sa loob ng dalawang taon kung regular na maisasagawa ay mawawalan na ng spaghetti wires sa lunsod.
Nananawagan naman si Jao sa mga telcos na sila dapat ang nakikiisa sa isyung ito, at sa oras na maipasa, hindi na sila maaaring makapag-operate sa lunsod hangga’t walang permit mula sa City Engineering Office.
Kung matatandaan, isang motorista na papasok sana sa kanyang trabaho ang naaksidente noong Mayo 30 sa lunsod dulot ng nakakalat na wire sa kalsada na pumulupot sa kanyang motorsiklo na nagresulta sa pagkabali ng kanyang kanang balikat, at agad namang nakumpirma na pag-aari ng isang telco ang nasabing wire.