Ogie Diaz, pinabulaanan na nagkaroon ng relasyon sina Rico at Sabrina M

PINABULAANAN ng Talent Manager na si Ogie Diaz sa kaniyang bagong Diaz Showbiz Update ang tungkol sa rebelasyon na sinasabi ni Sabrina M na umano’y nagkaroon sila ng relasyon ng namayapang aktor na si Rico Yan.

Matatandaang, kamakailan ng ginulantang ng aktres na si Sabrina ang publiko sa umano’y rebelasyon tungkol sa naging relasyon nila ni Rico Yan.

Pagbubunyag pa ng aktres sa naganap na presscon ng kaniyang pelikula, siya umano ang huling naging karelasyon ng aktor bago ito namayapa at alam din umano ito nina Claudine Barreto at ng kapatid na si Bobby Yan.

Subalit, isinwalat ni Ogie sa kaniyang show na napag-alaman niya sa isang kaibigan ni Sabrina na wala umanong katotohanan ang mga nasabi ng aktres at ito’y pawang pampaingay lamang sa bago niyang pelikula.

Ayon pa kay Ogie, sinabihan na daw si Sabrina ng kaibigan na ‘wag na ikalat ang ‘di totoo subalit ang naging tugon daw umano ni Sabrina ay “hayaan mo na, andiyan na ‘yan.”

Samantala, nabangit din ni Ogie sa kaniyang naturang show na balak umano ni Claudine Barreto na magdemanda dahil sa naging pahayag ni Sabrina M tungkol sa namayapang aktor at sa pagkadawit ng pangalan sa rebelasyon na wala naman umanong katotohanan.###JONADEL GALLEGO, Intern