SORSOGON CITY – Arestado ang dalawang notoryus na fixers sa pantalan ng Matnog sa ikinasang entrapment operations ng pinagsamang puwersa ng Provincial Intelligence Unit ng Sorsogon PPO at Matnog Police.
Kinilala ang mga suspek na sina Harry Martinez Bufete, 48-anyos, may asawa, walang trabaho at naninirahan sa Phase 1 Brgy Gadgaron at Gavara Gasis Gesos, 41-anyos, binata, walang trabaho at residente ng Phase 5 Brgy Tabunan ng parehong bayan.
Isinagawa ang entrapment operations sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Brgy Pawa.
Narekober sa mga suspek ang entrapment money na nagkakahalaga ng P7K kung saan ang isang libo ay genuine money habang ang P6K ay boodle money.

Sa nakuhang impormasyon ng Brigada News, hawak umano ang mga suspek ng isang LGU-employee subalit tumangging pangalanan ito.
Sina Bufete at Gesos ay nahaharap na sa ngayon sa kasong paglabag sa RA 9845 o ang Anti Red Tape Act.
Matatandaan na muli na naman na humaba ang pila ng mga sasakyan sa Sorsogon papuntang Visayas at Mindanao simula pa noong Disyembre 1 dahil sa mga Gale warnings na ibinabala ng DOST-PAGASA at Phil Coast Guard-Bicol.
Ang desperadong kalagayan na ito ng mga stranded na mga pasahero ay pinagkakaperahan ng mga mapagsamantalang mga fixers sa Matnog Port na ayon sa mga awtoridad, naging isa nang malawak na sindikato.
