Negosyante, huli sa kasong concubinage sa Daraga, Albay; magsasaka, arestado sa dalawang kaso ng statutory rape sa Ligao City

Inaresto ng mga awtoridad ang isang negosyante sa Brgy. Tagas, Daraga, Albay dahil sa kasong concubinage.

Kinilala ang akusado na si alyas “Nickanor”, 37-anyos at residente ng P-4 Brgy. Gapo ng nabanggit na bayan.

Ayon sa report, napag-alamang nagkaroon ng ibang karelasyon ang akusado dahilan para magsampa ng kaso sa kanya ang kinakasama.

Isinilbi ang warrant of arrest sa akusado na pirmado pa noong Agosto 8, 2022 at aabot sa P30K ang inirekomendang piyansa ng korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Samantala, arestado rin ang isang magsasaka sa San Jose St. Brgy. Santa Cruz, Ligao City, dahil sa dalawang kaso ng statutory rape.

Kinilala ang akusado na si alyas “Jojo”, 20-anyos, binata at residente ng P-1, Brgy. Pinamaniquian ng nasabing lungsod.

Ayon sa report, umaga nang puntahan ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng akusado upang isilbi sa kanya ang warrant of arrest na pirmado pa noong Agosto 1 2022.

Nang maabutan ito ay dito na inaresto ng mga kapulisan si Jojo.

Wala rin piyansang ibinigay ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Si Jojo ay nasa Rank 3 City Most Wanted Person ng lungsod.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya ang akusado para sa kaukulang disposisyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *