Negosyante, dinakip matapos masamsaman ng mga baril ang bahay sa cauayan city

Dinakip ng mga kapulisan ang isang 43-anyos na negosyante matapos masamsaman ang kanilang bahay ng mga baril sa implementasyon ng search warrant kagabi sa barangay Tagaran, Cauayan City.

Batay sa imbestigasyon ng PNP Cauayan City, ikinasa ang operasyon sa pangunguna ni PMaj. Grandeur Tangonan, Deputy Chief of Police ng Cauayan City Police Station, Regional Intelligence Unit 2, PIU, 2nd IPMFC at iba pang enforcement agencies.

Ito ay sa bisa ng search warrant na inilabas ni Hon Judge Reymundo Aumentado kaugnay sa paglabag sa RA 10591.

Read More:  ₱916K smuggled cigarettes seized in Zamboanga Sibugay

Nakuha sa loob ng bahay ang isang yunit ng kalibre 38 na baril na walang serial number at kargado ng anim na bala; isang yunit ng improvised shot gun at limang bala ng kalibre 45 na baril na nakasilid sa isang kulay itim na jewelry box.

Naging mapayapa naman ang ginawang paghahalughog na sinimulan dakong alas-8:18 at nagtapos pasado alas-9 ng gabi.

Samantala, sa naging panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan sa suspek, mariin nitong itinanggi na sa kaniya ang mga nakumpiskang baril ngunit kilala ang may-ari nito bagaman tumanggi na siyang pangalanan.

Read More:  Duterte slams Tinio over Davao flood complaint, questions Marcos admin silence

Ayon sa kaniya dahil sa negosyo ay bihira silang namamalagi ng kaniyang asawa sa kanilang bahay at madalas na nagtutungo sa ibang bayan upang magbenta ng mga paninda.

Lingid umano sa kaniyang kaalaman ay ipinatago ang naturang baril sa kanilang bahay ng kaniyang kakilala subalit matagal na panahon na ang nakalipas kung saan nakalimutan na at inakalang kinuha na ito.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng Cauayan City Police Station ang naarestong suspek.