CAMARINES NORTE- Nanatiling passable ang Maharlika Highway papasok at palabas ng lalawigan sa gitna ng mga pag ulang nararanasan simula pa kagabi dahil sa Shear Line na nakakapaekto ngayon sa Southern Luzon kasama na ang Camarines Norte.
Sa mensahe sa Brigada News FM Daet, inihayag ni District Engineer Edwin Bermal na sa ngayon ay madadaanan ang kahabaan ng Maharlika Highway.
Passable din ngayon ang detour bridge sa San Felipe sa bayan ng Basud na nag overflow kagabi dahil sa malakas na buhos ng ulan.
Ayon naman ito sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.
Ilang lugar din sa lalawigan ang naiulat na binaha simula pa kagabi habang ang level ng mga ilog ay mataas hanggang sa kasalukuyan.
Inalerto rin ng Pagasa ang mga nakatira malapit sa mga ilog at binabahang lugar na maging mapagmatyag at lumikas kung kinakailangan.
Batay din sa ipinalabas na General Flood Advisory ng Pagasa kabilang sa mga watercourses na posibleng maapektuhan sa lalawigan ay ang mga ilog at ang mga tributaries partikular sa Labo, Daet at Basud.
Samantala, nagpasiguro naman ang mga mangingisda sa lalawigan para hindi masira ang kanilang bangka bunsod ng malakas at malalaking alon.
Simula pa kahapon ay itinago na ng ilang mangingisda sa bayan ng Mercedes ang kanilang bangka sa ligtas na lugar.
Habang ang Philippine Coast Guard naman ay nagpalabas ng Sea Travel advisory na inaabisuhan ang mga maliliit na bangka na huwag na munang pumalaot.
