Malayong malayo pa sa target na 70% ang bilang ng mga nabakunahan kontra Covid19 sa Batangas upang makamit ang herd immunity.
Sa pagpupulong na isinagawa ng Provincial IATF, nabatid na nasa 1.89% pa lamang ang porsyento ng mga nababakunahan sa bilang na 41,141 as of June 23 na ang nakakuha ng 1st at 2nd dose na bakuna kontra Covid19.
Sa higit tatlong milyong populasyon kasi ng Batangas province, nasa 2,175, 548 ang kabuuang 70% ng populasyon nito na ang dapat mabakunahan at sa puntong ito malaking usapin ang supply ng bakuna na dumadating sa Batangas mula sa national government.
Ang kakulangan kasi sa supply ang lumalabas na dahilan kung bakit madami pa rin ang hindi nababakunahan sa kabila na “willing” naman ang mga lokal na pamahalaan na mag-over time o magsakripisyo, kahit holiday ay magsagawa ng pagbabakuna sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Pakiusap ngayon sa pamahalaang nasyunal ng Batangas government na madagdagan ang alokasyon ng bakuna sa probinsya.
Ayon naman sa impormasyon, maaring maghatid na kada Linggo ang DOH ng mga bakuna sa bawat lalawigan at bayan at kapag tumaas na ang supply ng bakuna ay posible nang tumulong ang mga ospital kahit on a week sa pagbabakuna sa buong lalawigan.
Sa huli idiniin pa din na ang supply ng bakuna ang pangunahing usapin na dahilan sa pangambang hindi pa rin makakamit ang kagustuhan na sa darating na kapaskuhan ay magpatupad na ng kawalang facemask sa buong lalawigan ng Batangas.