SORSOGON CITY–Naglabas ng panibagong babala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) matapos maobserbahan ang pagtaas sa aktibidad ng Bulkang Bulusan.
Sa June 29 notice ng ahensya, ibinabala ang nasa 213 volcanic earthquakes na naitala ng Bulusan Volcano Network (BVN) simula noong umaga ng Hunyo 24.
Pinakamalakas sa mga pagyanig na ito ay naitala alas 11:27 ng gabi ng nasabing araw kung saan namonitor ng Philippine Seismic Network (PSN) ang Magnitude 3.5 na volcanic quake at naramdaman ang Intensity III sa mga bayan ng Irosin at Bulusan.
Dakong ala 1:39 naman ng hapon kahapon ay naitala ang Magnitude 2.3 imperceptible volcanic earthquake sa may bahaging timog-timog silangan ng dalisdis ng bulkan at tinatayang 3 kilometro ang lalim.
Maliban dito ay naobserbahan din ang patuloy na pamamaga ng paligid ng bulkan partikular sa bahaging timog simula noong Hunyo 20 base sa short-term ground deformation monitoring at gayundin sa GPS monitoring simula pa noong March 2022.
Ayon sa Phivolcs, ang mga parametrong ito ay nagpapahiwatig sa posibilidad ng panibagong eruptive activity o posibleng muling pagputok ng Bulkang Bulusan anumang araw.
Samantala, base naman sa pinakahuling bulletin ng Phivolcs ngayong araw, 84 ang naitalang volcanic earthquakes at nasukat sa 630 tonnes per day ang Sulfur dioxide emission nito.
Nananatili sa Alert Level 1 ang estado ng bulkan, ibig sabihin, ito ay nasa low-level unrest o mayroong abnormalidad sa aktibidad na maaaring magdulot ng biglaang pagputok.###
