Nilinaw ng legal counsel ni Mrs. Angelica Yulo na si Atty. Raymond Fortun na walang katotohanan ang mga post nito na kumakalat sa social media.
Ito ay matapos umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizen ang mga facebook post ni Mrs. Yulo na hindi maganda patungkol sa kanyang anak na si Carlos Yulo.
Sa isang press conference, sinabi ni Fortun na ang mga facebook post mula sa isang Angelica Poquiz Yulo ay hindi kagagawan ng ina ni Caloy kundi ng malisyosong tao na hanggang sa ngayon ay hindi pa nakikilala.
Tanging layunin lamang raw nito na dungisan ang pangalan ni Mrs. Yulo at para maging clickbait ito.
Paliwanag pa ni Fortun na dapat wag na tayong madistract sa mga paninirang ito at sa halip ay magkaisa at ipagdiwang pagkapanalo sa Paris Olympics ni Carlos Yulo.