SORSOGON CITY – Naharang at nasabat ng mga awtoridad ang saku-sakong shellfish o molusko na lulan sa wing van sa bayan ng Castilla at Pilar parehong sa lalawigan ng Sorsogon.
Unang na-flagged down ng Pilar Police na pinangunahan ng hepe nito na si PMaj Mark Anthony Ferwelo katuwang ang BFAR law enforcement unit, sa Brgy Putiao ang isang wing van na may kargang 44 sakong tahong (mussels) na ipupuslit sana papuntang Pasay City.
Nabatid na ang mga ito ay pag-aari nina Belinda Pareja, isang Odie at isang Liza, lahat residente ng Brgy Cambulaga, lungsod ng Sorsogon.
Ang van na nakarehistro sa isang Arnel Jesalva Rivas ng Brgy Sulucan, Sorsogon City ay minamaneho ni Jose Cervantes Lasala, 51-anyos, may asawa, naninirahan sa Km 16, Brgy Salvacion at ang helper na si Regie Laurora Domens, 33-anyos, may asawa, naninirahan sa Brgy Bucalbucalan parehong sa lungsod ng Sorsogon.
Sunod namang nasabat ng Castilla Police kasama ang BFAR-Sorsogon ang isang wing van na nakarehistro sa mismong mga suspek na sina Felix Austria at Nicanor Austria parehong residente ng Nueva Ecija Region 3.
Ang van ay may kargang 172 sako ng tahong, apat na sakong badoy at tatlong sakong talaba (oyster) at dalawang sakong basket mangrove crab.
Lumabas sa imbestigasyon na ang mga molusko ay pag-aari umano ng isang Belinda Pareja at idedeliver ito sa Pasay City, Santo Tomas, Batangas at Turbina sa Laguna.
Mahaharap sa kaukulang asunto ang mga suspek.
Sa update na nakuha ng Brigada Sorsogon sa BFAR-Bicol, ang nasabat na mahigit kalahating milyon na molusko ay nai-disposed na, ito ay ibinaon na sa lupa.
Sa pinakahuling abiso BFAR Central Office na may petsang Hulyo 22, nakasaad na ang Sorsogon Bay ay positibo pa rin sa Paralytic Shellfish Poison (PSP) o nakalalason na red tide. Dahil dito, lahat ng uri ng shellfish at alamang na nakukuha sa nasabing lugar ay hindi pa puwedeng kainin ng tao.


