BNFM BICOL—Inihayag ni Catanduanes Provincial DOH-Officer Dr. Robert John Aquino na prayoridad nilang mabakunahan kontra COVID-19 sa muling pag-arangkada ng 4th wave ng “Bayanihan Bakunahan” ang mga residente sa lalawigan na kabilang sa ibang age group at hindi ang mga senior citizens.
Ayon kay Aquino, ito ay sa kadahilanang nakamit na ng probinsya ang 106% accomplishment na vaccination coverage sa mga matatanda o ang mga kabilang sa A2 priority groups.
Dahil dito ang mga residente sa lalawigan na edad 12-anyos pataas ang kanilang target na mabakunahan sa muling pakikiisa ng Catanduanes sa ika-apat na round ng vaccination day na nagsimula kahapon March 10 at magtatagal hanggang March 12, araw ng Sabado.
Dagdag pa ng opisyal, hindi rin nila maisasagawa sa loob ng tatlong araw na pagbabakuna ang pag administer sa pediatric population dahil wala pang dumarating na panibagong suplay ng “reformulated Pfizer vaccines” na sadyang ginawa para sa mga batang edad lima hanggang 11 taong gulang.
Ganunpaman, tiniyak ng opisyal sa publiko na sapat ang suplay ang kanilang suplay ng COVID vaccines para sa 1st at 2nd dose at maging ng booster shots sa mga kabilang adult population.###