BNFM BICOL—Inanunsiyo ng Department of Education o DepEd-Bicol, na hindi na ino-obligang mag report sa paaralan simula ngayong araw May 2 hanggang May 13, ang lahat ng mga pampublikong guro sa rehiyon bilang bahagi ng paghahanda sa Local and National Election.
Bagkus ay inaabisuhan na lamang ang mga itong isagawa ang Work from Home scheme para gawin ang iba pa nilang mga trabaho kagaya na lamang ng paghahanda ng mga instructional materials gaya ng modules, paggawa ng learning plans, evaluation of learners at iba pa.
Samantala, ang mga teaching and non-teaching personnel naman na magiging bahagi ng Halalan, ay inaasahan ang pagpunta sa mga eskwelahan kung saan sila naka assigned upang gampanan ang tungkulin na ini-atang ng COMELEC bago, habang at pagkatapos ng eleksyon.
Matatandaan na una nang nagbaba ng direktiba ang DepEd hinggil sa kanselasyon ng klase sa lahat ng antas ng mga pribado at pampublikong paaralan sa bansa mula sa mga nasabing petsa upang bigyang daan ang Local and National Election.###