NAGA CITY – Natatakot na rin ang mga magulang ng mga mag-aaral na Muslim na nasa Naga City para sa seguridad ng kanilang mga anak, dahil sa sumbong na may nangunguha ng bata sa Concepcion Pequeña.
Noong Sabado, ang mga Muslim ay nag-uusap-usap na kung ano ang dapat na gawin para mapangalagaan ang kanilang mga anak mula sa pagpasok sa paaralan hanggang sa makauwi sa kanilang bahay.
Ito ang inihayag sa Brigada News FM Naga ni Mike Mustapha, ang head ng Muslim Community Affairs Office.
Isa sa napag-usapan ay ang sabay-sabay na uuwi ang mga bata o kaya grupo silang uuwi. Problemado sila dahil halos lahat sila nagta-trabaho o nagne-negosyo, kaya wala o iba ang ng naghahatid-sundo sa mga anak.
Ang isa pang posibleng solusyon ay pakiusapan ang guro ng mga ito na pauwiin ng mas maaga ang mga bata, sabi pa ni Mustapha.
May mahigit 100 mga batang-Muslim ang nag aaral sa mga pampublikong paaralan sa Naga City sa ngayon.
Una nang sinabi ng Police Station 2 na nagpulong na sila ng mga magulang sa Julian Meliton Elementary para sa kakukulang aksyon matapos ang mga sumbong ukol sa umano’y tangkang pangunguha ng bata. Sinabi naman ni PSMS Toby Bongon na may mga nakalatag na pulis sa bawat barangay.