BICOL—Umaapela ngayon ang Catanduanes Medical Society –isang organisasyon ng mga doktor sa islang probinsya, na isailalim sa Enhanced Community Quarantine ang buong lalawigan sa loob ng dalawa hanggang apat na linggo.
Ito ay bunsod ng patuloy na pagtaas ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa probinsya kung saan batay sa pinakahuling tala ng Provincial Health Office, sumampa na sa kabuuang 587 ang kumpirmadong kaso ng sakit sa Catanduanes.
Sa sulat na ipinadala ni CMS President Dr. Geraldine Balmadrid-Rojas kay Catanduanes Gov. Joseph Cua, labis na ikinaka pangamba nilang mga doktor na baka bumigay ang healthcare system sa lalawigan dahil sa pagdami ng mga tinatamaan ng sakit.
Apela ng mga doktor sa gobernador, ikonsidera ang kanilang rekomendasyon na i-lockdown ang buong isla upang makahinga ang healthcare system nito.
Ayon naman kay Dr. Rosemarie Reyes-Madayag, ang pagsasailalim sa ECQ ng Catanduanes ay malaking tulong upang mabigyan ng pagkakataon ang mga health workers at mga ospital na magsagawa ng reinforcement at matutukan ang mga COVID-19 patients na lubos na nangangailangan ng medikal na atensyon.
Kung hindi aniya mapagbibigyan ang kanilang hiling, posibleng umabot sa punto na mapilay ang operasyon ng mga health facilities sa probinsya dahil sa kakulangan ng mga medical supplies at maging ng mga health personnel na nahahawa na rin ng sakit.###
