Mga blinker at busina ng ilang sasakyan nakumpiska sa isinagawang operasyon ng PNP- HPG at LTO kagabi

CAMARINES NORTE- Nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib na pwersa ng PNP Highway Patrol Group, Land Transportation Office at Local Police kontra wang- wang at blinker sa may bahagi ng Barangay Binanuaan, Talisay Camarines Norte kagabi.

Dito ay pinagbabaklas at kinumpiska ng mga awtoridad ang mga iligal na blinkers at busina ng mga motoristang nahuling gumagamit nito.

Pinangunahan ang joint operation ni Police Major Loreta Salgado, Provincial Officer ng PNP- HPG sa Camarines Norte na tumagal ng tatlong oras.

Read More:  NPA regional committee in Caraga collapses as remaining members surrender

Kabilang sa mga nakumpiska ay busina, fog light, tatlong strobe light at tatlong blinker habang isang sasakyan naman ang na- impound.

Labingtatlo ang naisyuhan ng ticket kung saan anim dito ay Temporary Operators Permit (TOP) at pito naman ay Traffic Citation Ticket (TCT).

Mababatid na muling pinaigting ang kampanya kontra wangwang at blinker kasunod ng mga panawagan na muling buhayin ang naturang kampanya laban sa mga motoristang hindi naman awtorisadong gumamit nito.

Alinsunod sa Presidential Decree No. 96, tanging ang mga ambulansiya, fire trucks, at tauhan ng PNP, militar, National Bureau of Investigation, Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang maaaring gumamit ng mga naturang device kapag may emergency.

Read More:  Mother nabbed in drug bust, 3 children left with neighbors

Pinapahintulutan ding gumamit ng wang-wang at blinker ang mga sasakyan ng limang pinakamatataas na opisyal ng bansa, ang Presidente, Bise Presidente, Senate President, House speaker, at Chief Justice.

Kung maalala panahon ng panunungkulan ng yumaong Pangulong Benigno “Noynoy”Aquino III, nang paigtingin ang kampanya kontra wang-wang at blinker na naging bahagi  pa nga ng kaniyang inaugural speech noong 2010.