LEGAZPI CITY – Kaliwa’t kanan man ang bakunahan sa iba’t ibang sulok ng rehiyon, naitala pa rin ang 217 na mga kaso ng COVID-19 noong nakaraang linggo.
Ayon kay Dra. Aurora Teresa Daluro, Regional Epidemiologist ng Department of Health (DOH) Bicol, pitumpu’t tatlong porsyento mula sa mahigit dalawangdaang mga naitalang kaso ang mga fully vaccinated na.
Dagdag pa niya, dalawampu’t pitong porsyento naman mula rito ang hindi pa bakunado o katumbas ng walumpung mga indibidwal.
Aniya, ito ay nangangahulugan na kahit pa nakumpleto na ang doses ng bakuna, hindi pa rin matitiyak na hindi na mahahawaan o magkakaroon ng COVID-19.
Sinabi pa ni Daluro, kahit pa bakunado na kung hindi naman napa-practice o naoobserbahan ang mga ipinatutupad na minimum public health standards, mayroon pa ring tyansa na magkaroon o mahawaan ng naturang sakit.
Samantala, wala namang naiulat na namatay dahil sa COVID-19 noong nakaraang linggo.