Menor de edad at Senior Citizen pinayuhang huwag munang pumasok sa Capalonga simula ngayong araw

CAPALONGA, CAMARINES NORTE- Pinayuhan ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Capalonga, Camarines Norte ang mga nagnanais na pumunta  sa kanilang bayan na huwag na munang bumisita simula ngayong araw May 6 hanggang May 15, 2021.

Batay sa pahayag ng LGU ipinapayo na huwag na munang bumisita sa naturang bayan lalo na ang mga kabataang edad 15 pababa at ang mga senior citizen edad 65 anyos pataas.

Kasalukuyan pa rin daw kasing isinasagawa ang puspusang contact tracing kaya’t mainam na iwasan muna ang mga non -essential travels and movements para na rin sa kaligtasan ng lahat.

Ilang lugar kasi sa naturang bayan ang nasa ilalim pa rin ngayon ng granular lockdown.

Kaugnay nito maging ang simbahan ay hindi pa rin naisasapinal ang kanilang liturgical schedule sa kapistahan ng Poong Nazareno ng Capalonga.

Kahapon sa novenary mass, sinabi ng Parish Priest at Rector ng Shrine of Jesus the Black Nazarene and Parish of St. Lucy na si Father Salvador Babala IV na marami ang nagtatanong sa kaniya hinggil sa schedule sa kapistahan pero wala pa umano siya ngayong tiyak na sagot.

Ang tiyak lang umano sa ngayon ay maaaring sundan ng mga mananampalataya at deboto ng Poong Nazareno ang kanilang official social media account para sa live streaming ng mga misa.

Noong wala pang pandemya ay daan- daang deboto ang nagtutungo sa Dambana ng Poong Nazareno para magsimba kapag ganitong buwan lalo na sa kapistahan na ipinagdiriwang tuwing May 13.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *