Pormal nang naghain ng kanyang certificate of candidacy si Manila Mayor Honey Lacuna Pangan na tatakbo uli sa pagka-alkalde sa kanyang ikalawang termino.
Tatakbo si Mayor Honey sa ilalim ng Asenso Manileño kung saan running mate niya si incumbent Manila Vice Mayor Yul Servo.
Pasado alas diyes ng umaga ng magtungo ang alkalde sa tanggapan ng Comelec sa SM Manila kasama ang kanyang partido.
Bago maghain ng kandidatura, nagkaroon muna ng programa sa kartilya ng katipunan kung saan nabalot ng kulay asul ang lugar dahil sa mga taga-suporta.
Sa ambush interview sa Mayora, sinabi nito na palaisipan pa rin sa kanila ang pagtakbo ni dating Mayor Isko Moreno dahil malinaw naman raw na sinabi nito sa kanila na magreretiro na siya sa politika.
Kung sakali naman raw na papalarin pa rin siyang manalo, ipagpapatuloy niya pa rin ang kanyang mga programang nasimulan gaya ng Social Amelioration Program.