SORSOGON CITY—Nagtala ng 178 volcanic earthquakes ang Bulkang Bulusan sa nakalipas na 24-oras batay sa pinakahuling ulat ng Phivolcs.
Ito na ang pinakamataas na naitalang pagyanig mula nang magbuga ng abo ang bulkan noong Linggo, June 5.
Nasukat ang Sulfur Dioxide (SO2) emission nito sa 613 tonelada habang patuloy ang katamtamang pagsingaw ng bulkan papuntang kanluran hilagang kanluran sa taas na 150 metro.
Nananatili naman ang pamamaga ng paligid nito batay sa Ground Deformation data.
Sa ngayon ay nasa ilalim pa rin ng Alert Level 1 status ang Bulkang Bulusan na nangangahulugan na mayroong abnormalidad sa aktibidad nito.
Kaugnay nito ay patuloy ang paalala hinggil sa pagbabawal sa pagpasok sa loob ng 4km Permanent Danger Zone (PDZ) nito at ibayong pag-iingat sa 2 km extended danger zone sa gawing Timog Silangan.
Una rito ay ipinatupad ang preemptive evacuation sa nasa 400 indibidwal mula sa Brgy Puting Sapa, Juban, Sorsogon kahapon matapos maitala ang 149 volcanic earthquakes mula sa bulkan.###
